Isa pang kainis-inis: sa TVC ding iyon, kinutsa niya ang administrasyon ni PGMA dahil daw sa laking ng pondong iniyayabang ng gobyerno ay wala pa ring nagagawang pagpapaayos sa mga "bulok na health center." Para namang hindi pulitiko itong si Noynoy. Kahit ako na ordinaryong mamamayan lang ay may alam na ang karamihan sa health center -- tulad ng iba pang lokal na proyekto -- ay sakop ng mga LGU. Totoo naman na may pondong nilalaan; ang problema ay hindi naman dapat mag-micromanage ang ating Presidente! Kung itong mga health center na bulok (na wala namang prueba) ay ibibida ni Noynoy sa kanyang TVC, ibig ba sabihin nito na kapag siya ay naging Presidente iibahin niya ang management style ng MalacaƱang? Akala ko ba na ang reklamo nila kay PGMA ay ang pagka- "power hungry" niya? Heto na nga't decentralized na ang budget allocation process at kusang nagbibigay ng kapangyarihan sa LGUs si PGMA. Sige nga, subukan ni Noynoy na mag mircomanage kapag siya ay nanalo at ng mapikon siya sa pagbabatikos. Ngayon pa nga lang ay hindi na mapakali kapag may masamang marinig e.
Iyan ang totoong problema: lahat ng masama isinisiwalat, lahat ng mabuti isinasangtabi.
Maraming magandang nagawa ang administrasyon. Infrastructure nga ang isa sa nais iiwan ni PGMA bilang pabaon sa susunod na uupo, diba? Kaya bukod sa sangkatutak na kalsada ay marami ring proyekto na konektado sa MRT, LRT, at mga airport at sea port. Iyan dapat ang ipinakita sa TVC ni Noynoy at hindi makitid na daanan na hindi man lang nakasemento. Baka naman sa loob ng Luisita nya kinunan ng footage iyon. Tapos titirahin pa ang health insurance at health centers! Sige nga, mag- ocular inspection siya sa Metro Manila at sa mga probinsya at bilangin niya ang libo-libong Botika ng Bayan at Botika ng Barangay na naipatayo ng gobyerno. Diyan napunta ang "bilyon-bilyong piso" na sinasabi niya, dahil iyan ay programang pambansa at hindi lamang nakadepende sa LGU. Simpleng-simple, kadali-dali intindihin.
Baka naman kasi hindi ni Noynoy nararamdaman ang positibong epekto ng mga BnB kasi hindi pa siya nakikinabang rito. Bigyan natin ng benefit of the doubt, at baka naman suklian rin tayo nito.
Sabi rin ni Noynoy, "dati na tayo masipag, dati na tayong matiyaga" tapos walang nangyayari kasi maraming kurakot. Eh kung ganyanan na lang ay pwede ko rin sabihing, "dati na tayong nagpaupo ng isang Presidenteng Aquino." O, tama bang ituloy ko at dugtungan na wala namang nangyari kasi maraming kurakot? Sa simula pa lang kasi, faulty argument na.
Kung ayaw mong mapikon, huwag kang manggatong. Noynoy naman, ginagawa mong tanga ang taong bayan e.